Halos hindi na magkasya sa Headquarters ng Highway Patrol Group, Camp Crame ang mahigit 40 sasakyang nabawi sa magkakahiwalay na operasyon laban sa isang bagong investment scam.
Tuloy-tuloy ang dating ng mga nagrereklamo upang mabawi ang mga sasakyang ilegal na isinangla ng mga sindikato.
Ayon sa isang biktima, hinikayat umano ito ng isang agent na magpasok ng bagong sasakyan upang ipasok sa isang rent-a-car service kapalit ng buwanang kitang P20,000. Kapag nahawakan ng sindikato ang bagong sasakyan ay isinasangla ito sa ibang tao.
Ayon kay Jimmy, nagrereklamo: “Maganda ang kita namin eh, hindi namin alam na iyong mga sasakyang aming dinadala sa kaniya ay sinasangla sa ibang tao.”
Siyam na sasakyan ang ipinasok ni alyas Jimmy at hindi pa niya ito nababawi. Siya na rin ang hinahabol ng bangko dahil hindi nababayaran ang buwanang hulog nito; ayon sa ulat ng ABS CBN.
Gumagamit ng ahente ang mga sindikato upang makapang-engganyo ng mga bibiktimahin.
Si alyas Boy, 18 sasakyan ang ipinasok sa pekeng rent-a-car service, at walo pa lamang ang nababawi niya sa ngayon.
Isa sa pinagsanglaan si alyas Tintin, na nagbayad umano ng P400,000 para sa isang brand new Ford Everest. Nagulat na lamang ito nang hindi na makontak ang ahenteng nagsangla sa kaniya nito at nang lumutang ang totoong may-ari ng sasakyan.
Babala ng Task Force Limbas na huwag magpapaloko sa mga ahenteng nangangako ng easy money kapalit ng rentahan ng sasakyan.
Supt. Peter Dionisio, HPG, Hepe, Task Force Limbas: “Siguraduhin nilang ang mga kausap nila ay may mga kumpanya talaga. I-check nila sa Security and Exchange Commision (SEC), sa DTI kung may Mayor’s permit din sila upang mag-operate ng rent a car service.”
Ayon sa Task Force Limbas, konektado ito sa mahigit 100 sasakyang nabawi ng HPG sa Laguna at Cavite kamakailan at iisang sindikato lamang ang may pakana nito.
source: youtube, UNTV