Hindi lahat ng artista, nagagawang mag-portray ng karakter na halos similar o malapit sa totoong nangyari o pinagdadaanan niya sa buhay.

Iyon ang tingin ng karamihan at mga manonood ng GMA series na "Ika-6 Na Utos" sa karakter na ginagampanan ni Sunshine Dizon bilang si Emma, ang babaeng niloko ng asawa na ginagampanan naman ni Gabby Concepcion at si Ryza Cenon naman ang kabit.

Kaya naman parang real-life talaga ang hugot ni Sunshine sa karakter niyang si Emma.

“Siyempre there’s always truth naman to the characters that you portray," sabi ng GMA-7 actress nang makausap niya ang ilang entertainment press, kabilang ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), sa set visit ng Ika-6 Na Utos sa Antipolo City.

"But as much as possible, I try to separate my real life naman with work,” saad pa ni Sunshine.

Paliwanag ng aktres, malinaw sa kaniya ang real life at karakter na ginagampanan kaya hindi siya nahihirapan.

“I just stay true to the character, siguro 'yon ang hugot. Kasi, the script is beautifully written naman talaga, especially with all the lines. Kumbaga, hindi mo naman kailangang umarte, basahin mo lang ang mga linya, talagang punong-puno na ng emosyon,” patuloy ng aktres.

Nang tanungin kung ano ang kaniyang naging realization sa pagganap sa karakter ni Emma, tugon ni Sunshine, "Siguro kasi, itong issue na ito has been taboo for a longest time, di ba?

"Especially in our society. Siguro, ang daming babae out there, suffering silently and here comes their heroine, parang fighting for their right, siguro ganun.

“Masasabi kong marami nang nakaka-relate kasi, totoo namang nangyayari. It’s nearing what’s happening in real life rin. Marami na rin namang madaming lumabas na pelikula and series that tackle infidelity.

“Siguro ang difference lang nitong sa amin, ako, maiku-compare ko talaga siya sa mga nanay who are experiencing the same thing. Yung struggles nila with family life, being a mother, nag-aalaga ka ng asawa, mga anak, you forget about yourself, napabayaan mo na ang sarili mo, tapos naloko ka pa.

“Kumbaga, ang daming dumaan diyan, e.”

Sa ngayon, napapanood pa rin si Sunshine na tila napabayaan na nga ang sarili sa karakter niya bilang si Emma.

Pero ayon sa Kapuso actress, malapit na raw siyang makitang mas payat at palaban.

“Malapit na po, siguro bago mag-February, makikita niyo na. Pero, marami pang madugo, sandamakmak na paghihirap pa.”
 
Top